Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH

Ako si Genaro R. Gojo Cruz, Isang Maligayang Pagdating!

Blog EntryFeb 7, '12 4:02 AM
for everyone
Bilang isang bata, nahahati sa dalawang probinsiya ang aking mga alaala--ang Pastol sa Bulacan na kinatitirikan ng aming lumang bahay at ang San Joaquin sa Batangas kung saan ako unang tumuntong sa eskuwelahan.  Pagkatapos ng San Joaquin, balik uli ako ng Pastol matapos ang halos apat na taon.  Buti na lang, walang nabago sa aming lumang bahay noong umalis ako.  Ganoon pa rin ito tulad noong aking iwan.  Walang nabawas.  Walang nadagdag.  'Yun nga lang mas lalong naging luma.

Noong bago ako tumira sa San Joaquin, Batangas at di pa ako kinukuha ng aking Nanay para mabuhay kasama niya, bihirang-bihira ko siyang makita.  Di ko alam kung saan siya nakatira.

Isang tanghali, isinama ako ng isa kong kapatid na babae sa bahay ni Impong Onang.  Doon nakita ko si Nanay, nakaupo at tahimik.  Kaharap ni Impong Onang.  Maganda ang suot ng aking Nanay.  Halatang galing siya sa malayo.  Lumapit ako sa kanya.  Di ko na matandaan kung may sinabi ba siya o ibinilin sa akin.  At di ko rin matandaan kung may sinabi ako sa kanya.  Pero hanggang ngayon, malinaw na malinaw sa aking isipan ang kanyang mukha.  Parang kay lungkot ng kanyang mukha.  Parang may salaming mababasag sa gilid ng kanyang mga mata. 

Pagkaraan, umuwi na kami ng aking Ate at nakalimutan ko na rin ang aking Nanay.  Nangahoy na lang ako sa kagubatang tanaw sa likod ng aming bahay.  Doon sa kung saan tanaw ang tatlong matatandang puno ng sampalok na madalas ko ring akyatin noon.  Nangahoy ako at kumuha ng mga siit na puwedeng ipanggatong o ipangparikit ng kalan.   Inipon ko ang mga tuyong kahoy at siit.  At saka tinalian.  Binibitbit ko itong parang isang matanda.

Ngunit nang papaahon na sa kalsada pauwi, di ko na maiahon ang mga tuyong kahoy at siit.  Parang biglang itong naging napakabigat.  Parang muli akong naging bata.  Nag-iiyak ako dahil sa lintik na mga kahoy na di ko maiahon!  Napakasimple namang bagay na di ko magawa!

Ang bigla'y naalala ko ang aking Nanay na kaharap ko kani-kanina lang.  Nakalimutan ko, dapat pala akong humabol sa kanya. Gusto kong umuwi sa bahay na kanya ring inuuwian.

Nag-iiyak ako pero di na dahil sa mga tuyong kahoy at siit na di ko maihon sa kalsada kundi dahil kailangan ko pala ang Nanay ko!

Add a Comment