Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH

Ako si Genaro R. Gojo Cruz, Isang Maligayang Pagdating!

HomeAbout MeApr 8, 2008
Hanggang ngayon ay may alinlangan pa rin si Genaro R. Gojo Cruz sa mga kinuha niyang kurso tulad ng BSE Social Science sa Philippine Normal Univ...ersity at Masters Major in Philippine Studies sa De La Salle University-Manila. Nagkamit nang halos 20 pambansang gawad sa mga patimpalak sa pagsulat ngunit doble ng bilang na ito ang kanyang pagkatalo. Ilang taon na rin siyang nagtuturo kolehiyo ngunit wala pa rin kasigurahan at tenure. Patuloy na nilalamon ng gahum (hegemony) ng akademya at pilit pinapaniwala ang sarili na kailangan niyang tapusin ang kanyang PhD kahit wala itong saysay sa labas ng akademya. Ang talagang gusto lang niya, magturo, magsulat at higit sa lahat maging mangingibig!

Blog EntryJan 27, '12 2:01 AM
for everyone
ni Genaro R. Gojo Cruz

BAKASYON NG TAONG 1990 ako tinuli kasabay ng pinsan kong si Alex na papasok na rin bilang first year hay skul sa darating na pasukan.

Umagang-umaga, nakabisikleta kaming nagpunta sa bahay ni Mang Ading na kilalang manunuli sa aming lugar. May dala kami tig-isang kaha ng Phillip (bilang bayad) at bagong biling blade na gagamitin sa pagtuli sa amin. Magha-hay skul na kami kaya kailangan na kaming matuli.

Paulit-ulit kong isinisiksik sa isip ko nang umagang iyon ang lagi kong naririnig—ang pagpapatuli ay parang kagat lang ng langgam. Kung parang kagat lang ng langgam ang pagpapatuli, kayang-kaya ko nga!

Sa ilalim ng isang punong sampalok kami tinuli ni Mang Ading. Kasama namin ang mga nakataling kalabaw at ang mga tumpok-tumpok na tae nito.

Gumupit muna si Mang Ading ng dalawang kapirasong tela na nilagyan ng butas sa gitna.

Sandaling-sandaling lang nangyari ang lahat. Si Alex ang una. Pinaghubo ni Mang Ading ang aking pinsan. Ipinasuot niya ang munting balat ng titi sa isang maliit at patulis na kahoy. Nang lapat na ang balat sa kahoy, saka niya hiniwa ng blade ang lintik na balat.

Pagkahiwang-paghiwa nang balat, nagtatalon-talon si Alex habang nguya-nguya ang dahon ng bayabas. Pagkatapos, isinuot ni Mang Ading sa butas ng tela ang titi ni Alex at saka tinalian.

Sumunod ako. Ibinigay ko ang baon kong blade. Inalis niya ang balat ng bago kong biling blade. Ganoon din ang dinaanan ko. Pagkahiwang-pagkahiwa sa lintik na balat, umagos ang sariwang dugo. Nagtatalon-talon ako habang ngumunguya ng dahon ng bayabas. Isinuot din sa may butas ng tela ang titi ko.

Pauwi, nakabisikleta pa rin kami ni Alex. Isang kamay lang namin ang nakahawak sa manibela habang ang isa naman ay nakahawak sa aming short sa takot na baka madikit ang tela sa aming mga sariwang sugat.

Sumunod na ang mga rituwal na ito sa araw-araw—paglalaga ng dahon ng bayabas upang gamiting paglanggas, pagdudurog ng penicillin para ibudbod sa sariwang sugat, at paggupit ng malinis na tela na lalagyan ng butas sa gitna na pagsusuutan ng pinakaulo ng titi nang maghilom at di magdikit ang hiniwang balat na napalibot dito.

Napakahirap maglinis ng sariling sugat lalo na kung dumikit na ang tela sa pinatutuyong sugat. Impiyerno ang pakiramdam lalo na kung may langib na natutuklap! Masakit ding umihi lalo na sa umaga! Ang dami ko ring nasira o ginupit na kamiseta para lang sa kapirasong tela na binubutasan ko sa gitna.

Naiisip ko noon kung bakit kailangan pang tuliin ang isang lalaki. Sino ba ang nakaisip nito? Ano bang problema kung di tuli? Ano ba ang problema kung nababalot ng balat ang titi? Di ba’t higit na kapana-panabik kung nakatago at laging may sorpresa!

Ilang linggo rin akong di nakaalis ng bahay at nakapagbisikleta! Maraming buong maghapon namin ni Alex ang naubos sa kuwentuhan sa harap ng kanilang tindahan. Pinag-usapan namin ang mga kalbaryo sa pagpapagaling ng aming kani-kaniyang sugat. Kumustahan kami sa aming pinatutuyong sugat.

Sana, uso na noon ang mga libreng tuli sa mga center. Ano kaya ang pakiramdam na tuliin nang walang pakiramdam? Mas madali na rin ngayong gumaling ang sugat dahil sa kung ano-anong tabletang maiinom. Ang mga pamangkin kong lalaki sa ospital tinuli.

Sa mga usapan, narinig ko—kapag bagong tuli, huwag daw titingin sa mga babae dahil baka mangamatis daw, kapag di raw tuli, magiging mutain daw ang mga magiging anak, madumi raw kapag di tuli at magiging sanhi ng iba’t ibang sakit, at kapag natuli na raw ang isang lalaki, magiging mabilis raw ang paglaki o pagtangkad.

Maaaring totoo ang ilan sa mga paniniwalang ito. Pero ang sabihing parang kagat lang ng langgam ang pagpapatuli, ay isa talagang malaking kasinungalingan.

Kahit papaano, natutuwa akong nadama ko ang matinding hapdi o sakit sa pagpapatuli.
Minsan lang tutuliin sa buong buhay niya ang isang lalaki tapos magpapatanggal pa siya ng pandama? Parang di tuli ‘yon! Parang nagpabunot ka lang ng ngipin! May dugo pero walang sakit! Ano ‘yon?

PAHABOL:
Nitong nakaraang linggo lang, nalaman kong sa doktor pala tinuli nang sabay-sabay ang mga kapatid kong lalaki. Nakadama ako ng kakaibang hapdi, mas mahapdi pa sa tinamo kong sugat noong tuliin ako nang matulis na kahoy at ng matalim at bagong-bagong blade na Gillete.

Blog EntryJan 24, '12 9:25 PM
for everyone

Ano ang nagtulak sa iyo na magsulat ng children’s book?

Noon kasi (mga huling taon ng dekada 90), di pa  gaanong pansin ang pagsusulat para sa mga bata.  Ito ang nagtulak sa akin upang sumulat ng mga kuwento at tulang-pambata.  Bukod dito, noon kahit ano, sinusulat ko.  Pero nagpayo ang isa kong guro sa kolehiyo na mag-pokus muna ako sa isa.  Naisip kong magpokus sa kuwentong-pambata.  Mapalad naman akong kinilala ang aking ilang mga kuwentong-pambata.  

                Marami ring akong karanasan noong bata na gusto kong ikuwento.  Sa palagay ko, pinakamabisang genre ang kuwentong-pambata para maikuwento ang mga ito.

Anong approach ang ginamit mo sa paggawa ng libro?

                Walang isang  approach sa pagsulat ng kuwentong-pambata.

                Pero kung pang-Palanca ang aking isinusulat na kuwento, dapat appealing sa matanda, kasi matatanda ang judge. 

Pero kung para sa  aklat-pambata, marami akong isinasaalang-alang, halimbawa, gamit ng wika, dami ng salita sa bawat pangungusap, paksa na malapit sa batang Pilipino, musikang nililikha ng mga salita kapag binibigkas o binabasa, at iba pa.  Kapag nagsusulat ako ng kuwento para gawing aklat, nagiging biswal ang aking pag-iisip.  Lagi kong iniisip, ano ang magiging itsura nito kapag inilapat na sa pahina o nilagyan ng ilustrasiyon ng isang artist.

Kaya di lahat ng nagwagi sa Palanca ay maganda ring lalabas kung isinaaklat.     

Ano ang tema ng mga kwento ng mga libro mo?

                Sa mga unang aklat-pambata na isinulat ko, marami ang tumalakay sa kahirapan ng buhay.  Pero kahit ukol sa kahirapan ang aking kuwento, sinisikap ko itong maging magaan at Masaya.  Lagi kong iniisip kung papaanong tinitingnan ng bata ang kanyang kakulangan ng damit, bahay, pagkain, at iba pa.  May mga batang kasing ang tingin ng iba ay mahirap pero sa mismong bata, siya ay Masaya at kuntento.  Ganito ko nakita ang mga batang-lansangan.  Ang pangarap nila, good for one day lang.  

                Pero sa ngayon, sinisikap kong talakayin ang iba pang paksa, tulad halimbawa ng selosan ng magkapatid, pagkakaroon ng broken family, pagiging anak ng isang OFW, at iba pa. 

May sinusundan ka bang format sa paggawa ng libro?

                Mayroon.  Kailangangb lumalaro sa 13 hanggang 14 na eksena ang isang buong kuwentong-pambata upang sumapat sa aklat-pambata na may 26 hanggang 28 na pahina.  Mahalaga rin maging buo at tiyak ang bawat eksena.  Ito rin kasi ang magiging guide ng artist sa paglalapat ng ilustrasiyon sa kuwento.

Makulay ba ang mga libro mo?

                Lahat ng libro ko ay makulay.  Sa tingin ko, mahalaga ito lalo na kung ang layunin ay ilapit ang bata sa libro o hikayatin siyang mahalin ang pagbabasa. 

Mahilig ka ba sa mga bata? Para sa mga bata lang ba ang libro mo? Pambabae lang o panglalaki?

                Naging guro ako ng mga bata sa elementarya kaya wala akong choice kundi turuan at pakinggan sila.  Pero bilang isang manunulat para sa mga bata, sa palagay ko, napakahalaga ng pakikisalamuha sa mga bata.  Sa ganitong paraan, makukuha mo ang kanilang sensibilidad at kung paano nila tinitingnan ang kanilang sarili at kapaligiran.  

Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata pero kalian pa iyon?  Kaya mahalaga ang patuloy na connection sa mga bata dahil sa kanila pa rin patungo ang mga kuwentong-pambata naisulat ko.  

Ilang libro na ang nagawa mo?

                20 aklat-pambata na ang aking naisulat.

Tagalog lang ba ang mga libro mo?

                Nasa wikang Filipino ang lahat ng aking mga aklat-pambata pero ang iba rito ay may salin sa wikang Ingles.  Mas lumalaki ang market ng isang aklat-pambata kung ito ay bilingual.

Ano ang magsasabi na, ah ito nga ang gawa ni G. Gojo Cruz?

                Di ko masabi kung ano ang nagiging tatak ng aking mga kuwento.  Basta gusto kong maging boses ng mga batang pinagkaitan ng maayos na bahay, komunidad, damit, pagkain, pamilya, edukasyon, pagmamahal, at iba pa ang aking mga kuwento.  Gusto kong ma-appreaciate ng mga batang maykaya ang mga bagay na mayroon sila.

                Bilang isang bansang mahirap tulad ng Pilipinas, tiyak kong maraming batang Pilipino ang nabubuhay na marami ring kulang.    

 


Blog EntryDec 27, '11 12:18 AM
for everyone

BUMILI AKO NG lupa. 

            Ang una kong binili ay may sukat na 500 square meters.  Ang sumunod naman ay may na sukat 247 square meters.  Magkatabi ang lupa dahil iisa naman ang may-ari.   Partikular ako sa sukat ng lupa kahit pa wala akong ideya kung gaano ito kalaki o kaliit.  Pero sabi ng ilang kakilala na napagkuwentuhan ko, malaki na raw ito.    

            Hulugan ang unang lupang binili ko buhat sa aking kapatid, hinati sa tatlong bayaran.  Binayaran ko naman ng buo ang pangalawang lupa.

Naipalipat ko na rin sa aking pangalan ang mga titulo ng lupa.   Di rin pala biro ang gastos sa pag-aayos ng mga titulo.

Gustong-gusto ko ng pabakuran ang lupa.  Gusto kong makita ang kabuuan ng aking pinagpaguran sa ilang taong pagtuturo at pagsusulat.  Gusto kong magkaroon ng dagdag na inspirasyon upang lalong maging masikap at masinop sa aking kinikita.

Marami akong naiisip na gawin sa lupa. 

Gusto kong magtayo ng sarili kong eskuwelahan. Pero kapag naiisip ko na ang mga dapat gawin at ang malaking responsibilidad kaakibat nito, umaayaw na ako.  Gusto ko sana ang eskuwelahang mura at nakatuon sa pagiging makabayan at sining ang kurikulum.

Kung di eskuwelahan, gusto kong tayuan ito ng palaruan para sa mga bata.  Gusto kong bigyan sila ng kanilang sariling lugar sa paglalaro.  Gusto kong marinig ang kanilang mga tinig habang naglalaro, habang nagpapadausdos, nagduduyan, o naglalambaras sa mga hawakang bakal. 

Kung di palaruan, gusto kong tayuan ito ng kubo na aking magiging bahay- sulatan.   Maraming punong makikita sa lupa—may punong-mangga, langka, abokado, siniguelas, at chico—mga punong may malaking kaugnayan sa aking kamusmusan.  Mainam na lugar ito upang magsulat.  Nais ko ring balikan ang aking hilig, ang pagtatanim.  Pero masyadong makasarili ang balak kong ito!

Naisip ko, gusto ko rin sanang tayuan ito ng isang bahay na bato na maaaring puntahan ng sinumang gustong magsulat.

Maraming ako balak at gustong gawin sa lupa.  Pero alam kong di birong halaga ang aking kakailanganin upang matupad ang alinman sa isa sa aking balakin.  Ngayon pa lang, iniisip ko ang gastos sa pagpapabakod. 

Sa dami ng aking naiisip na gustong gawin, baka mas mabuting ipinagbili ko lang ang lupa sa mas mahal na mahalaga at maglakbay na lang ako sa ibang bansa.  Pero mukhang makasarili uli ang ganitong plano.

May nagsasabi sa aking napakaaga ko raw magpundar.  Dapat daw sana, i-enjoy ko muna ang aking kinikita—halimbawa, bumili ng sariling sasakyan, mag-travel sa ibang bansa, bumili ng kung ano-anong mamahaling kagamitan, at iba pa.  Napakaaga pa raw para isipin ko ang kinabukasan.

Pero sa tuwing iisipin ko ang kakapirasong lupa na kinatitirikan ng aming lumang-bahay noon na nakasangla pa sa bangko, ang panggigipit sa amin noon ng ilang pinsan namin na iusod ang lumang-bahay dahil lumampas sa kanilang lupa, ang hirap na dinanas ng aking mga kapatid, ng aking mga magulang na walang pampagamot o pambayad sa opistal, at kung babalikan ko ang buhay na walang-wala ako, nakadarama ako ng takot.  Ayokong bumalik sa ganoong buhay!     

May isa pa akong plano, gusto ko ring bilin mula sa may-ari ang natitira pang 400 square meters sa kanyang lupa.  

Pero madali na ang anuman o susunod ko pang plano basta may hakahandang pera na alam kong dapat ko pang pagpawisan ng dugo.


Blog EntryDec 26, '11 11:22 PM
for everyone

ni Genaro R. Gojo Cruz

 

NASA PINAKADULO NG Baranggay Pastol ang aming bahay. 

Tinatawag na Pastol ang aming lugar dahil dito matatagpuan ang malawak na pastulan ng mga baka, kalabaw, at kambing.

            Kakaiba ang aming bahay lalo na kung gabi.  Di ito kasingliwanag ng ibang bahay sa Pastol, pero masaya kami kapag gabi kahit wala kaming ilaw.  Di kasi kaya nina Nanay at Tatay ang magpakabit ng koryente.  Kaya kailangan bago dumilim, nagawa na namin ni Buknoy, ang bunso kong kapatid, ang aming takdang-aralin at nabasa na ang mga dapat basahin.

            Di na kami takot ni Buknoy sa dilim.  Kapag naglalaro kami sa likod ng aming bahay, liwanag lang ng buwan at ng mga bituin ang ilaw namin.  Kung minsan, parang nagiging korteng kapre at higante ang malalaking puno ng akasya sa aming paligid, pero di kami natatakot. Alam kong kakampi namin ni Buknoy ang dilim.  Di nila kami tatakutin dahil mga kaibigan namin sila.

            “Kuya, tingnan mo ang buwan, ang kinang-kinang.  At ang mga bituin, kahit kay liit-liit pero ang liwa-liwanag,” sabi ni Buknoy habang nakaupo kami sa malaki at nakausling ugat ng punong akasya.

            “Sana Kuya, minsan bumabang lahat ang mga bituinat ilawan ang ating bahay. Di ko pa kasi nakikita ang ating bahay kapag gabi,” hiling ni Buknoy habang kikislap-kislap din ang mga mata.

            Tinanaw namin ni Buknoy ang kay liwanag na buwan at ang kay liliit na bituin. 

Sana magkatotoo ang hiling ni Buknoy, bumaba ngang lahat ang mga bituin at ilawan ang aming madilim na bahay. 

Biglang umihip ang malamig na hangin. 

 

Pero di naman talaga madilim na madilim ang aming bahay.  May gasera naman kami.  Tuwing hapon, laging may uwing gaas si Tatay.  Lagi siyang nakabisikleta kapag pumapasok sa trabaho.  Malayo-layo kasi ang kaniyang pinagtatrabahuhan.  Nagbabalot siya ng mga bihon sa isang pabrika.

            Ilalagay ni Nanay sa gasera ang gaas na uwi ni Tatay.  Di nakalilimutan ni Nanay na palitan ng mitsa ang gasera kapag mahina na ang apoy nito.  Pero kahit wala kaming ilaw na kasingliwanag ng ilaw ng bahay ng aming mga kapitbahay, masaya naman kami.

            Pero kung minsan, nag-uuwi rin si Tatay ng mga kandila.  Pero sinisindihan lang ito ni Nanay kapag may okasyon.  Tulad nung bertdey ko, bertdey ni Buknoy, bertdey ni Tatay, bertdey ni Nanay, at tuwing Pasko. 

Teka! Malapit na nga pala ang Pasko.

“Bukas magsisimulang gumawa ang mga taga-Baranggay.  Kakabitan daw ng malalaking parol ang bawat poste ng koryente sa buong Baranggay Pastol,” balita sa amin ni Tatay habang naghahapunan kami.

 

Kinabukasan, hinintay namin ni Buknoy ang mga magkakabit ng mga parol sa bawat poste, pero nangawit lang kami sa kahihintay.  Wala pa ring parol na nakasabit doon sa posteng natatanaw namin sa malayo.  Tiningnan ko ang posteng nasa tapat ng aming bahay.  Sana makabitan din ito ng maliwanag at magandang parol.

            “Kuya, sana magkaroon ng parol ang posteng ‘yan!”

Ginulo-gulo ko ang buhok ni Buknoy.  Pareho pala kami ng iniisip.

 

“Naku! Ang ganda-ganda ng mga parol na ikinakabit ng mga taga-Baranggay.  Nakita ko kaninang pag-uwi ko.  Pinailaw na nila.  Para akong nagbibisikleta sa isang napakaliwanag na palasyo,” balita sa amin ni Tatay habang naghahapunan kami.

“Parang palasyo?” mahinang sabi ni Buknoy. 

Kahit madilim, kitang-kita ko ang pagkislap ng kaniyang mga mata.  Alam ko, gusto rin niyang makita ang mala-palasyong liwanag.

 

Kinabukasan, muli naming hinintay at tinanaw-tanaw ni Buknoy ang mga magkakabit ng parol sa bawat poste ng koryente, pero nangawit lang uli kami sa kahihintay.  Di pa rin umaabot sa poste sa tapat ng aming bahay, maging sa pinakamalayong posteng natatanaw namin ang maliliwanag na parol na ibinabalita ni Tatay.

Kaya kinagabihan, hinabaan ko ang aking dasal. 

Sabi ko—

“Panginoon, sana, sana umabot sa posteng nasa tapat ng aming bahay ang maliwanag na parol.  Gusto kong sumaya sina Nanay at Tatay, lalong-lalo na si buknoy sa darating na Pasko.” 

Umandap-andap lang ang ilawang gasera sa mesa. 

Sana magkatotoo ang aking dasal.

 

Kinabukasan, naglaro na lang kami ni Buknoy ng luksong-baka sa likod ng bahay, hanggang sa marinig naming tinatawag kami ni Nanay.

“Ato! Buknoy! Nasa’n kayo? Hali kayo! Dalian n’yo!”

Agad naming pinuntahan si Nanay na nasa tarangkahan.

“Kinakabitan na ng parol ang poste sa may ibayo.  Nakikita ba ninyo? Ayun!” sabay turo ni Nanay sa malayong poste.

 

Kinagabihan, tinanaw namin ni Buknoy sa may bintana ang parol na ikinabit sa may poste sa ibayo.  Ang liwa-liwanag.  Totoo ang balita ni Tatay.  Itinuro ni Buknoy ang maliwanag na parol.  Alam ko, gustong-gusto talaga ni Buknoy na tingnan nang malapitan ang parol sa ibayo.

 

Hinintay namin kinabukasan ang mga taga-Baranggay na magkakabit ng mga parol.  Pero tulad uli ng dati, nangawit at nainip lang kami ni Buknoy sa kahihintay. 

Siguro, di na makakabitan ng parol ang poste sa harapan ng aming bahay. 

Siguro nagkulang ang parol. 

Siguro dahil nag-iisa lang naman ang bahay namin sa dulo ng Baranggay Pastol. 

Siguro dahil alam nilang sanay kami sa dilim at walang ilaw. 

Siguro alam nilang kakampi namin ni Buknoy ang dilim, ang mga nagkokorteng kapre at higanteng punong akasya tuwing madilim na madilim. 

Siguro talagang hanggang doon lang sa may poste sa ibayo ang kakabitan ng mga parol. 

Siguro talagang di na kami makakakita ni Buknoy ng ilaw na parang palasyo sa liwanag.

 

Ang lamig-lamig.  Sobrang lamig kaya dinoble ni Nanay ang damit ni Buknoy at saka ibinigay sa amin ang isang makapal at kulay-pulang kumot.

“Matulog na kayo at marami pa akong gagawin.  Hihintayin ko pa ang Tatay n’yo,” sabi ni Nanay pagkatapos na maikabit ang kulambo. 

Natulog kami ni Buknoy.

Pero ginising kami ni Nanay.  May kakaibang amoy sa loob ng aming bahay.  Kay ganda ng mesa.  Nakasindi ang isang malaki at kulay dilaw na kandila.  May pansit sa bilao, iba’t ibang kulay at bilog-bilog na puto, tinapay at coco jam, at may namamawis pang juice sa pitsel.

Itinaas ni Tatay ang aming bintana at nagulat kami ni Buknoy sa sobrang liwanag na pumasok sa loob ng aming bahay. 

Agad kaming dumungaw ni Buknoy ang bintana at nakita namin ang kay kinang na parol na nakasabit sa poste sa tapat ng aming bahay.

“Kuya, bumababa pala ang mga bituin tuwing Pasko!” sabi ni Buknoy habang nakikita ko rin sa kaniyang mga mata ang maliit na parol.

“Oo, bumababa sila tuwing Pasko.”

Naging biglang parang palasyo ang aming bahay dahil sa liwanag na galing sa parol.  Dumungaw din sina Nanay at Tatay. 

At pinagmasdan naming lahat ang huling parol na ikinabit sa Baranggay Pastol.

Blog EntryDec 20, '11 11:07 PM
for everyone

Photo AlbumBatch 1994Dec 20, '11 10:58 PM
for everyone
ddd
dThumbnaild
ddd

Blog EntryDec 16, '11 4:19 AM
for everyone

ni Genaro R. Gojo Cruz

 

PUMASOK NA NAMAN ang ber.  Ito ang mga panahong nagiging matingkad sa akin ang mga alaala noong bata ako.   Tulad noong mga nagdaang taon, mabilis na mabilis na namang lalakad ang mga buwan ng ber at sasalubungin na naman nating lahat ang Bagong Taon.  Pero di tulad ng iba, lungkot ang nararamdaman ko kapag pumapasok na ang mga buwan ng ber.

Sa amin sa Bulacan, pangkaraniwan lang na araw ang Pasko.  Ang talagang hinihintay ng mga tao sa amin ay ang pagpasok ng Bagong Taon.

Lalo sa amin, pangkaraniwan lang talaga.  Walang maaasahang handa sa mesa.  Walang salusalo.  Walang bigayan ng regalo at lalong walang  bukasan ng regalo. 

Isang Bagong Taon ang di ko malilimutan.  Malamig na malamig noon sa aming bahay.  Tanda ko, dalawa lang kami ng aking kapatid na si Kuya Tuan sa bahay.  Wala na noon ang aking Tatay.  At ang iba ko namang kapatid ay may mga asawa na at may iba ng bahay. Habang abala ang mga kapitbahay namin—na mga kamag-anak din namin, tahimik na tahimik naman sa aming bahay.  Nag-imbita ang kapatid ng aking Tatay na lumipat daw kami sa kanila, pagdating ng Bagong Taon.

Balak ko, hihintayin ko lang talaga ang Bagong Taon.  Ewan ko sa aking Kuya Tuan kung ano ang balak niya.

Pero naghalungkat ako sa silong ng aming bahay, sa aming kusina.  May  nakita akong ilang piraso ng pulang gulaman.  Naisipan kong iluto ito.  Nagpakulo muna ako ng tubig at saka itinambog ang ilang piraso ng gulaman.  Nilagyan ko ng maraming asukal at saka ko inilagay sa isang mangkok.  Pagkagising ko mamayang eksaktong alas-12, kakainin ko ang ginawa kong gulaman.  Tiyak na malamig na ito mamaya.  Inilagay ko sa aming eskaparate na taguan namin ng ulam.     

Ganoon ako noong bata ako.  Mahilig akong magluto.  Kung ano-ano ang iniluluto ko—tsamporado,  nilaga o pritong saging o kamote, pancake na binili ko pa ang harina sa isang panaderya sa may Halang, at kung ano-ano pa.  At kapag naparami ang luto ko, nagbibigay ako sa aming mga kapitbahay na mga pininsan ko rin.

Pagkatapos kong lutuin ang gulaman, natulog muna ako.  Tiyak na paggising ko mamaya, buong-buo na ang gulaman.  Matindi pa rin ang ginaw na aking nararamdaman noon.  Niyakap kong mahigpit na mahigpit ang aking unan at saka natulog.  Alam kong magigising ako sa malalakas na paputok.

Pero nagkamali ako sa aking inaakala.  Nagising akong tahimik na tahimik ang paligid.  Walang ingay, walang mga sigawan, walang mga paputok, walang amoy ng kalulutong pansit at pritong manok ng aming mga kapitbahay.  Amoy na lamang ng mga paputok na sumama sa hangin.  Lumipas na pala ang Bagong Taon nang di ko namamalayan, habang ako ay natutulog.

Pinuntahan ko ang gulamang niluto ko kanina lamang.  Buong-buo na ito at puwedeng-puwede ng kainin.  Kumuha ako ng kutsara at kinain ang gulamang dapat sana ay kakainin ko sa oras ng pagpasok ng Bagong Taon.  Kahit napatamis ang timpla ko, ayos pa rin.  

Kung minsan, talagang sinasadyang makaligtaan natin ang pinakaaabangang oras o okasyon nang di natin maramdaman ang lupit ng lamig, ng kahirapan, at ng pag-iisa sa isang tahanang laging madilim at walang bumibisita.


Blog EntryDec 12, '11 10:46 PM
for everyone

PASKO ANG PINAKAAABANGANG buwan ng mga batang Pilipino. 

Sa aking karanasan bilang bata noon sa San Joaquin, Batangas, naging gawi ko na kasama ng ibang bata na magbahay-bahay upang manghingi ng Pamasko—barya o kendi.  Lihim na lihim ko itong ginagawa dahil isa akong Iglesia. 

Pagdating ng hapon, puno na ng barya at kendi ang aking bulsa.  Pinipili ko ang mga bahay na may christmas tree dahil alam kong mayaman sila. Totoong di nawawala ang hikayat ng Pasko sa akin noong bata ako.

Pero habang lumalaki ako at nadaragdagan ang edad, unti-unting nawawala ang kinang at hikayat ng Pasko.  Ngayon, nasasabi kong ang Pasko ay para lang talaga sa mga bata.  Sa matatanda, ang Pasko ay panahon lamang ng paggastos—maraming dapat bilhin para sa kung sino-sinong mahahalaga at di gaanong mahahalagang tao.  Higit na nagiging materialistic ang tao tuwing darating ang Pasko.  Pero sabi nga, higit na mahalaga ang pagbabahagi ng mga biyayang natanggap sa buong taon, higit na mahalaga ang magbigay kaysa tumanggap.  Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan.  Siyempre, ito ay upang bigyang-katwiran lang ang matinding paggastos tuwing Pasko. 

Gusto kong balikan ang aking pagkabata, ang damdaming aking nararamdaman noon tuwing darating ang Pasko.  Ang pag-asang may magbubukas na tahanan sa akin at sa mga kasamahan kong bata lalo na yaong may malalaki at makikinang na christmas tree sa bahay.   Pero kahit anong gawin ko, wala na ang kakaibang kinang, ang masarap, magaan, at makabuluhang pakiramdam tuwing darating ang Pasko.   

Pero isang araw ng Sabado, nakita ko ang isang munting parol na yari sa papel na nakasabit sa bahay ng aking kapatid.  Gawa ito ng aking isang pamangking babae.  Payak na payak ang parol—gawa sa pad paper, kinulayan ng krayola, nilagyan ng ginupit na pinakurba-kurbang papel para gawing buntot.    

Sa sandaling iyon, habang pinagmamasdan ko ang munting parol na yari sa papel, bigla kong naramdaman ang kakaibang damdamin—ang payak ngunit makabuluhang damdamin. 

Sa sandaling iyon, na di ko inaasahan, naramdaman kong muli ang maging bata—may magbubukas na tahanan upang ako ay papasukin kasama ng iba pang bata.  Naramdaman ko ang masarap na pakiramdam, ng pagkakaroon ng pag-asa at pagbuo muli ng makulay na pangarap. 

Sa mga sandali palang di inaasahan at sa mismong kapayakan ng namamasid, makukuha ang kabuluhan at kahulugan ng Pasko.      

Bigla akong nasabik na muling sumapit ang Pasko!  


Blog EntryDec 12, '11 10:43 PM
for everyone

NOONG BATA AKO, akala ko, lahat ng bahay na may christmas tree ay mayaman.  Natatandaan ko, gumawa rin ako ng christmas tree na gawa sa mga siit at saka dinikitan ng mga bulak.  Ang mga panabit ay mga batong binalutan ng balat ng kendi.  Itinindig sa isang malaking lata at saka nilagyan ng mga bato para di mabuwal.  Ewan ko ba, kung saan nagmumula ang pagkahumaling ko sa mga christmas tree kahit lumaki akong isang Iglesia at walang ipinagdiriwang at kinikilalang Pasko.    

Palagi akong nagbabalak na bumili na ng pinakaaasam kong christmas tree pero lagi namang di natutuloy.  O kapag naghahanap na ako, wala ang talagang gusto kong laki, kulay, at hibla ng mga dahon.  Kaya hanggang ngayon, wala pa ring christmas tree sa aking munting bahay.

Noong isang taon, pagkatapos na pagkatapos ng Pasko, namili na ako ng mga panabit.  Nagtataka nga ang mga sales lady ng department store kung bakit tapos na ang Pasko ay saka ako namimili ng mga palamuti.  Kulay pulang lahat ang binili kong dekorasyon o panabit.  Gusto kong maging pulang-pula at berdeng-berde ang aking christmas tree.    

Medyo maselan ako sa mga dekorasyon.  Ayoko ng may katulad kaya nga di ako sa SM namili dahil tiyak na marami akong magiging katulad.  Doon ako namili ng mga dekorasyon sa bihirang puntahan ng marami. 

Pero pagkaraan ng ilang beses na pagbabalik-balik at pagbili sa department store na iyon, naitanong ko, ito ba talaga ang Pasko?  Parang di ko maramdaman ang tunay na diwa o kahulugan ng Pasko sa aking pinagkakaabalahan.  Pero naisip ko rin, sino ba ang may pakialam?  At sino rin ang maaapektuhan?  Isang pangarap itong nabuo mulang pagkabata.  Mapapantayan ba ng halaga ang kaligayahang aking madarama kung mabubuo ko na ang pangarap kong christmas tree?  Siguro, sarili ko na itong bagahe.

Nakakahon at nakaplastik pa rin ang mga dekorasyong pinamili ko noong isang taon.  Sa palagay ko, kung maikakabit ang lahat ng ito, magiging busog na busog na ang bibiling kong christmas tree. 

Pero sana makahanap muna ako ng christmas tree na pagsasabitan ng mga dekorasyong pinamili ko. 

Kung bakit kasi nahuli pa ang pinakamahalaga!


Photo AlbumAng Aking mga Bagong Aklat-PambataDec 8, '11 5:17 AM
for everyone
ddd
dThumbnaild
ddd
Buy and donate! Call 416-8460 to know more.

Blog EntryNov 30, '11 1:29 AM
for everyone

KAY SENADOR ERNESTO Maceda galing ang pinakaunang tseke na natanggap at nahawakan ko.  Sikat na sikat noon si Senador Maceda dahil sa kaniyang mga expose.

Sa aking paglalakad pauwi galing sa kaingin, nakita ako ang isang papel na nililipad-lipad ng hangin sa kalsada.  Hinabol ko ang papel at binasa.  Nakasulat sa papel ang mga nagawa ni Senador Maceda—na isa siyang matapang at may paninindigang lingkod-bayan.  Kumakandidato siya noon para muling maging senador ng bansa.   

Sa bandang ibaba ng papel, nakalagay ang kaniyang address.  Nakakatihan ng aking kamay na sulatan siya.  Pagdating na pagdating sa bahay, gumawa ako ng sulat sa kaniya sa wikang Filipino.

Tanda ko, buwan iyon ng Pebrero, at papasok na ang buwan ng Marso.  Bayaran na uli ng aking matrikula sa eskuwelahan.  Wala akong pambayad.  Iniisip ko na nga kung anong bagong dahilan ang isusulat ko sa aking promissory note sa principal para pakuhanin uli niya ako ng periodical test. 

Ang pag-iimbento ng mga dahilan sa promissory note sa tingin ko ang talagang nagturo sa akin  ng malikhaing pagsulat.  Sa dinami-dami ng promissory note ng naisulat ko sa aking pag-aaral sa hay skul, iba-iba ang naiisip kong dahilan.  Naging malikot ang isip ko sa pag-iisip ng mga kapani-paniwalang dahilan.  Ayoko ng pare-parehong dahilan.  Alam na alam ko kung paanong gawing kaawa-awa pero tapat ang laman ng aking promissory note.   Ako rin ang nakapirma sa sulat dahil ako rin naman talaga ang magbabayad.

Ginamit ko ang talento ko sa pagsulat ng promissory note sa pagsulat ko kay Senador Maceda.   Sinabi ko sa kaniya ang masidhi kong pagnanais na makatapos ng pag-aaral sa hay skul ngunit problema ko ang pambayad ng matrikula.  Pagkaraang maisulat at maihulog ang sulat ko kay Senador Maceda, nakalimutan ko na ito.  Suntok sa buwan ang ginawa ko.  Papansinin ba ako ng isang sikat na senador?  Napaka-busy niya para pansinin ang sulat ng isang teen-ager na di naman isang botante.

Pero isang hapon uli, pagkagaling ko sa kaingin, sabik na sabik akong tinawag at kinawayan ng aking Nanay.  May dumating daw akong sulat.  Nang buksan ko, sulat na may kalakip na tseke na galing kay Senador Maceda.  Siya mismo ang nakapirma.  Wala pang isang buwan, sinagot na niya ang aking sulat.  Di ako nakatulog pagdating ng gabi.  Iniisip kong nahawakan at nabasa ni Senador Maceda ang aking sulat.  Ano kaya ang naiisip niya habang binabasa ang sulat ko?           

Dalawang-daang piso ang laman ng tseke, konti na lang ang idinagdag ko para mabayaran ang aking matrikula. 

Bago ko ipinapalit sa kooperatiba sa San Jose del Monte, pina-xerox ko muna ang tseke na hanggang ngayon ay nakatago pa rin sa akin.  Gulat na gulat ang teller ng kooperatiba dahil may tseke akong may pirma ni Senador Maceda.  Tinanong pa ako ng teller kung bakit may tseke akong galing sa kilalang senador.

Pagdating ng Disyembre, pinadalan ko si Senador Maceda ng munting card na ako mismo ang gumawa bilang pasasalamat.   

May isa akong pangarap noon pa na gusto kong matupad ngayon.  Gusto kong makita at makaharap nang personal si Senador Maceda.  Habang tumatagal kasi, lalong nagiging makulit ang batang nasa aking kalooban—gustong-gusto niyang mag-thank you sa mahal na dating senador sa pinakaunang tseke na kaniyang natanggap at nahawakan sa buong-buhay niya.


Blog EntryNov 30, '11 1:23 AM
for everyone

KAY SENADOR ERNESTO Maceda galing ang pinakaunang tseke na natanggap at nahawakan ko.  Sikat na sikat noon si Senador Maceda dahil sa kaniyang mga expose.

Sa aking paglalakad pauwi galing sa kaingin, nakita ako ang isang papel na nililipad-lipad ng hangin sa kalsada.  Hinabol ko ang papel at binasa.  Nakasulat sa papel ang mga nagawa ni Senador Maceda—na isa siyang matapang at may paninindigang lingkod-bayan.  Kumakandidato siya noon para muling maging senador ng bansa.   

Sa bandang ibaba ng papel, nakalagay ang kaniyang address.  Nakakatihan ng aking kamay na sulatan siya.  Pagdating na pagdating sa bahay, gumawa ako ng sulat sa kaniya sa wikang Filipino.

Tanda ko, buwan iyon ng Pebrero, at papasok na ang buwan ng Marso.  Bayaran na uli ng aking matrikula sa eskuwelahan.  Wala akong pambayad.  Iniisip ko na nga kung anong bagong dahilan ang isusulat ko sa aking promissory note sa principal para pakuhanin uli niya ako ng periodical test. 

Ang pag-iimbento ng mga dahilan sa promissory note sa tingin ko ang talagang nagturo sa akin  ng malikhaing pagsulat.  Sa dinami-dami ng promissory note ng naisulat ko sa aking pag-aaral sa hay skul, iba-iba ang naiisip kong dahilan.  Naging malikot ang isip ko sa pag-iisip ng mga kapani-paniwalang dahilan.  Ayoko ng pare-parehong dahilan.  Alam na alam ko kung paanong gawing kaawa-awa pero tapat ang laman ng aking promissory note.   Ako rin ang nakapirma sa sulat dahil ako rin naman talaga ang magbabayad.

Ginamit ko ang talento ko sa pagsulat ng promissory note sa pagsulat ko kay Senador Maceda.   Sinabi ko sa kaniya ang masidhi kong pagnanais na makatapos ng pag-aaral sa hay skul ngunit problema ko ang pambayad ng matrikula.  Pagkaraang maisulat at maihulog ang sulat ko kay Senador Maceda, nakalimutan ko na ito.  Suntok sa buwan ang ginawa ko.  Papansinin ba ako ng isang sikat na senador?  Napaka-busy niya para pansinin ang sulat ng isang teen-ager na di naman isang botante.

Pero isang hapon uli, pagkagaling ko sa kaingin, sabik na sabik akong tinawag at kinawayan ng aking Nanay.  May dumating daw akong sulat.  Nang buksan ko, sulat na may kalakip na tseke na galing kay Senador Maceda.  Siya mismo ang nakapirma.  Wala pang isang buwan, sinagot na niya ang aking sulat.  Di ako nakatulog pagdating ng gabi.  Iniisip kong nahawakan at nabasa ni Senador Maceda ang aking sulat.  Ano kaya ang naiisip niya habang binabasa ang sulat ko?           

Dalawang-daang piso ang laman ng tseke, konti na lang ang idinagdag ko para mabayaran ang aking matrikula. 

Bago ko ipinapalit sa kooperatiba sa San Jose del Monte, pina-xerox ko muna ang tseke na hanggang ngayon ay nakatago pa rin sa akin.  Gulat na gulat ang teller ng kooperatiba dahil may tseke akong may pirma ni Senador Maceda.  Tinanong pa ako ng teller kung bakit may tseke akong galing sa kilalang senador.

Pagdating ng Disyembre, pinadalan ko si Senador Maceda ng munting card na ako mismo ang gumawa bilang pasasalamat.   

May isa akong pangarap noon pa na gusto kong matupad ngayon.  Gusto kong makita at makaharap nang personal si Senador Maceda.  Habang tumatagal kasi, lalong nagiging makulit ang batang nasa aking kalooban—gustong-gusto niyang mag-thank you sa mahal na dating senador sa pinakaunang tseke na kaniyang natanggap at nahawakan sa buong-buhay niya.


Blog EntryNov 21, '11 1:13 AM
for everyone
‎"Ang Malaking Kahon ng Sorpresa" ang bago kong aklat-pambata sa ilustrasiyon ni Ms. Bernadette Wolf. Salamat sa mga nakabili na!

Blog EntryNov 14, '11 11:33 PM
for everyone

The Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, the Office of the Vice Chancellor for Research, and the College of Liberal Arts, De La Salle University invite enthusiasts to A FORUM ON  CHILDREN’S LITERATURE.

Guest Speakers will be Ms. Kristine Canon, author; Prof. Genaro R. Gojo Cruz, author; Prof. John Enrico C. Torralba, author; Mr. Frances Ong, publisher of Tahanan Books for Young Children; and Mr. Elbert Or, illustrator

This will be on 24 November 2011, Thursday; 11:20 a.m. – 12:50 p.m.; Room 508, Yuchengco Building, De La Salle University – Manila.


ni Genaro R. Gojo Cruz

 

MAY MAGANDA AKONG balita!

Sa pamamagitan ng Departamento ng Edukasyon (DepEd), idineklara noong ika-25 ng Oktubre 2011 ang buwan ng Nobyembre sa bisa ng Memorandum No. 244, bilang National Reading Month at ang ika-25 ng Nobyembre 2011 naman bilang Pambansang Araw ng Pagbasa. 

Layunin nitong hikayatin ang mga mag-aaral at ang mga kabataan na maging ugali ang pagbabasa.  At upang maisakatuparan ito, hinihikayat ang mga eskuwelahan at sentro ng pag-aaral na magsagawa ng mga gawain o programang maglalapit sa mga batang Pilipino sa aklat at maipakita ang halaga ng pagbabasa sa kanilang pag-unlad. 

Nakasaad din sa Memorandum, ang ilang mga mungkahing gawain sa buong buwan ng Nobyembre kaugnay ng pagbabasa: 

·        Read-A-Thon – layuning maisulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral.  Sa gawaing ito, tinutukoy ang pinakamahuhusay na magbasang indibiduwal at grupo. 

·        Drop Everything and Read (DEAR) – paglalaan ng labinglima hanggang dalawampung minuto araw-araw sa pagbabasa ng mga aklat o anumang materyales/babasahin. 

·        Big Brother/Big Sister/Kaklase Ko, Sagot Ko/Shared Reading – sa gawaing ito, ang mas matanda na o mahusay na magbasang mga mag-aaral ay nagsisilbing mentor/tagapagturo sa ibang mag-aaral na hindi pa nakababasa.

·        Pull-Out Remedial Class/Reading Assistance Program/Remediation Classes/Intensified Remedial Reading – ang remedial lessons ay ibinibigay ng guro o gurong tagapayo sa mga mag-aaral na mahina pa sa pagbasa.

·        Five Words A Week (FWAW)/A Paragraph A Day (APAD)/Library Hour A Week – sa gawaing ito, ang mga mag-aaral ay hinihikayat na matuto ng isang salita sa isang araw, limang araw sa isang linggo, at makabasa nang malakas ng isa hanggang dalawang saknong sa isang  araw bago magsimula ang klase upang malinang ang maayos na pagsasalita o komunikasyon   

·        Reading Camp – layunin ng gawaing ito na maipakita ang angking-talento ng mag-aaral sa pagsasalita sa pamamagitan ng mga patimpalak.

 

Bukod sa mga nabanggit, ang mga guro ay hinihikayat ding magsagawa ng mga gawaing pangklase tulad ng pagkukuwento (storytelling session), paghahanda ng mga listahan ng babasahin (reading list preparation), pagsasanay sa mga mag-aaral sa pagbasa at isang programang lilinang sa kakayahang makabasa (readers’ training and a readership development program), at iba pa.     

Ang pagtatakda sa buwan ng Nobyembre bilang Buwan ng Pagbasa ay kaugnay ng programang Ten- Point Basic Education Agenda ni Pangulong Aquino na naglalayong gawing mambabasa ang bawat batang Pilipino (Every Child a Reader o ECARP). 

Kaugnay nito, ang DepEd ay inaasahang magsasagawa ng mga gawaing:

·        magsusulong ng pagbabasa at pagkatuto ng mga mag-aaral;

·        hihikayat sa mga kabataang matuto buhat sa buhay at likha ng mga dakilang Pilipino;

·        makikilala at maipagmamalaki ang sariling kultura at mga pagpapahalaga; at

·        maituring ang pagbabasa bilang isang karanasang naibabahagi sa iba, lalo na sa mga kabataan, upang higit na maipakita ang halaga nito sa gitna ng pag-asa na lamang sa internet at pagkahumaling sa mga gawaing on-line.

 

Maituturing nga bang isang magandang balita ang aking inilahad?

Kung tutuusin, nakahihiya pa ito.  Nakalulungkot isiping kailangan pa ang isang Memorandum at magtakda ng isang partikular na buwan upang bigyang-diin ang halaga ng pagbabasa sa mag-aaral.  Hindi ba’t ang pagbabasa ay natural o normal namang bahagi ng pag-aaral?   Hindi ba’t ang mga binanggit kong gawain/programa ukol sa pagbabasa ay dapat namang isinasagawa sa mga eskuwelahan sa buong bansa? 

Sapin-sapin ang problema.  Saan ba dapat magsimula?  Ano ang dapat unahin?  Paano mahihikayat ang mga mag-aaral na magbasa kung walang sa teksbuk o matinong babasahin?  Kung may teksbuk naman, anong uri ng literatura ang kanilang binabasa rito?  Paano kung ang mismong guro ay hindi rin nagbabasa?  Ano ba ang nagiging buhay o kinabukasan ng isang batang hindi nagbabasa?  Napapariwara ba siya, nagiging drug addict o nagiging artista o politiko?   Ano ba ang kinabukasan ng bansang marami sa mamamayan ang hindi nagbabasa?   Mas tataas ba ang rating ng mga programang kaugnay ng kultura, kalikasan, ekonomiya kaysa telenobela o showbiz talk shows?  Bakit napakaraming bilang ng aklat ang inilalathala sa mayayamang bansa taon-taon?   Ano ba ang ugnayan ng ekonomiya ng bansa upang maging palabasa ang mamamayan nito?  Paano magiging palabasa ang isang bansang marami ang gutom at walang trabaho?  Ano ang uunahin, pagkain o aklat?  Paano magiging de-kalidad ang edukasyon kung patuloy na kinakaltasan ang pondo nito?  Paano ang kakulangan sa klasrum , teksbuk, at mga guro?  Tumigil na tayo rito.  Di mauubos ang mga tanong na walang kasagutan.   Kung sisige pa tayo sa pagtatanong lalo lamang nating makikitang napakalala na ng ating problema.  May isang pag-aaral ba na magpapatunay na ang dahilan ng ating kahirapan ay ang ating di pagiging palabasa?          

Pero mahirap ding manglahat o bumuo agad ng kongklusyon.  Ano nga ba ang magiging batayan para masabing hindi na nagbabasa ang marami sa mga Pilipino?  Ang bilang ba ng branches National Bookstore sa buong bansa?  Ang bilang ba ng mga aklat na inilalathala o naibebenta sa loob ng isang taon?  Bakit sandamukal ang mga tabloid at romance novel na mabibili sa bangketa?   Kung namamasyal sa mall, naiisip ba ng isang pamilyang Pilipinong dumaan sa tindahan ng mga aklat?

Batay sa ibinahagi ng isang taga-National Bookstore na nag-i-evaluate ng mga aklat bago ito maibenta sa sikat na tindahan, mas mataas daw ang bilang ng mga lokal na aklat na nabibili kaysa mga imported.  Nakagugulat din ang ibinahagi niyang bilang ng mga aklat ni Bob Ong na nabebenta sa loob ng isang taon.  Natuwa ako sa balitang ito.  Kung pagbabatayan ang sinabing ito ng taga-National Bookstore, mali ang paratang na hindi nagbabasa ang mga Pilipino.  Siguro ang dapat nating maging tanong ay kung ano ang binabasa ng mga Pilipino?   

 

Ay!  Si Titser Mahilig Magbasa!

            Kung anong nakikita siyang ginagaya. 

Mahalagang maipakita ng guro sa kanyang mag-aaral na siya mismo ay mahilig magbasa.  Halimbawa, sa faculty room, sa klasrum kung break, sa guard house o gate habang naghihintay na sundo, magandang maipakita sa mga mag-aaral na nagbabasa ang guro.  Bukod sa pansariling benepisyo bilang guro, naipakikita sa mga mag-aaral na ito ay isang natural na gawain ng guro sa araw-araw. 

            Sa mga talakayan sa klase, nakatutulong din kung ibabahagi ng guro ang kanyang mga nabasa sa kanyang mga mag-aaral sa puntong hindi naman nagyayabang.    Huwag namang ikuwento ang buong libro.  Magpatikim lang ukol sa ilang laman ng aklat para mahikayat ang mga mag-aaral na hanapin ito at basahin. 

Kailangang ang guro ang mangunang nagpapakilala ng mga bagong inilathalang aklat ng mga kilala at mahuhusay na awtor.   Kung posible, mag-imbita ng mga kilalang awtor o malikhaing manunulat sa klase upang maipakilala sa mga mag-aaral.  Magandang bukod kina Anne Curtis, Willie Revillame, o Vice Ganda, natututo na ring umidolo o sumubaybay ang mga mag-aaral ng kanilang paboritong manunulat na Pilipino.   Kay ganda marinig na paborito ng isang batang Pilipino ang mga aklat ni Rene O. Villanueva o Augie Rivera.  Baka balang-araw, pangarap na rin nilang sumulat ng aklat.                

Kung malimit na nakikita ng mga mag-aaral na nagbabasa ang kanilang guro, hindi na magiging sapilitan o requirement ang pagbabasa.  Kailangang mag-enjoy muna ang mga mag-aaral sa kanilang pagbabasa.  Kaya kahit walang guro na nakakakita, normal na rin silang pupunta sa library upang magbasa. 

Kung may kaya-kaya ang guro, maaari siyang magpahiram ng kanyang mga aklat sa kanyang mag-aaral sa kasunduang iingatan ito.  Kung minsan, maganda ring maging papremyo ang aklat sa mga gawaing pangklase.  

Maaari ring gumawa ng mini library sa klasrum.  Magpagawa ng book mark na kanilang gagamitin sa pagbabasa.  Kailangang maging abot-kamay sa mga mag-aaral ang mga aklat.    Dapat na magparamihan ang mga mag-aaral ng aklat na nabasa at hindi ng mga bote at diyaryong nakokolekta para sa money making contest ng eskuwelahan.       

Kung mahirap ang guro, malaki ang maitutulong ng storytelling lalo na sa mga mag-aral sa elementarya upang mailapit sila sa pagbabasa.

 

Ay! Si Titser Story Teller!

 Walang aklat na mahal kung gagamitin naman ito sa maraming taon ng pagtuturo.  Halimbawa, mahalagang ang isang guro ng pagbasa sa elementarya ay may isang set na ng mga aklat-pambata.    

Ilan sa mga mungkahi ko ay ang sumusunod sa pagpili ng aklat na babasahin sa klase:

1.      Piliin ang mga aklat-pambata na ayon sa antas ng mga tinuturuan.  May mga aklat na maiikling ang pangungusap, mayroon din namang mahahaba at komplikado na.

2.      Basahin muna nang mag-isa ang aklat, bago ito basahin sa buong klase.  Baka sensitibo ang paksa ng kuwento at nababagay lamang sa mga batang may tiyak na pangangailangan.  May mga kuwentong-pambata na ukol sa broken family, incest, HIV/AIDS, death, at gender issues na hindi nababagay sa lahat.

3.      Piliin ang mga aklat-pambata na ang paksa ay bagay o ayon kultura ng mga mag-aaral.    Nagpapatibay ito sa kanilang pagpapakilanlan sa sarili.  Nagkakaroon sila ng tiwala sa sarili.  Ihuli na ang mga kuwentong may kaugnay sa fairy god mother at iba pa.     

4.      Piliin ang mga aklat-pambata na angkop sa paksang itinuturo kaugnay ng pagbasa o wika.  Halimbawa, anong aklat-pambata ang bagay sa pagtuturo ng sanhi at bunga sa pagbasa?  Ng paggamit ng pang-uri o pangngalan?

5.      Gawing payak ang pagkukuwento, iwasan ang paggamit ng props o costume.  Nakagugulo pa ito kung minsan.  Sapat na ang aklat at ang guro.  Tandaan na ang layunin sa pagkukuwento ay hikayatin ang mga mag-aaral na magbasa.

6.      Sa pagkukuwento, mainam kung nakaupo ang guro sa isang bangko at ang mga mag-aaral naman ay sa isang mat o banig.  Nagiging informal, maluwag ang environment at nagkakaroon ng dynamics ang klase.  Puwede ring gawin sa hardin ng paaralan kung hindi kontrabida ang principal.

7.      Integral na bahagi ng aklat-pambata ang mga ilustrasiyon nito.  Kaya habang nagkukuwento, kailangang nakaharap sa mga bata ang ilustrasiyon ng aklat.  May kuwento ang ilustrasiyon na minsan ay hindi sinasabi ng teksto.  Kung posible, makatutulong sa isang guro na kumuha ng worksyap sa pagkukuwento upang malaman niya ang teknikal na aspekto ng pagkukuwento.

8.      Maging sensitibo sa mga facial expression ng mga mag-aaral.  Mainam na patnubay ito sa guro kung paanong higit na magiging epektibo at kaakit-akit ang pagkukuwento.  Tapat na kritiko ang mga bata.  Kapag boring, makikita sa mukha nila.   Umisip ng ilang gimik.  Mahalagang ma-enjoy muna ng mga mag-aaral ang pakikinig sa kuwento.  Hindi nalalaos ang gurong laging may sorpresa sa mga mag-aaral.

9.      Umisip ng estratehiya sa pagkukuwento.  Paano ikukuwento ang kuwento?   Ano ang gagawin ng mag-aaral bago gawin ang pagkukuwento?  Habang nagkukuwento?  At pagkatapos ng pagkukuwento?

10.  Pataasin ang antas ng pagtatanong sa mga mag-aaral.  Di dapat magwakas lang sa moral values ang paraan ng pagtatanong.  Tandaan: layunin din sa pagkukuwento na malinang ang kritikal na pag-iisip sa mga mag-aaral.   Gustuhin natin ang mga mag-aaral na nag-iisip, nangangatwiran, at nakikipagtalo.

 

Kuwenta ng Kuwento!

            Sa pagkukuwento, isa sa mga nalilinang sa mga mag-aaral ay ang kakayahan sa pakikinig.  Isa ito sa malimit na makaligtaan ng mga guro sa pagtuturo.    Ang isang mag-aaral na may kakayahan sa pakikinig ay may pokus at pagkatuto.  Makikita ito sa kanyang mga produkto sa klase, tulad ng mga maiikling sulatin.  

            Sa pagkukuwento, naituturo nang mas wasto at epektibo ang wika.  Naririnig ng mga mag-aaral ang wika sa konteksto o tunay nitong gamit.   Sa halip na paisipin sila ng mga pangungusap na may pangngalan, pandiwa, o pang-uri.  Saan sila huhugot ng mga pangungusap kung limitado lamang ang kanilang karanasan?

Sa kuwento, pangalan pa lamang ng tauhan ay maibibigay na nilang halimbawa ng pangngalan.  Sa mga diyalogo, maririnig na nila ang mga ginamit na pandiwa at pang-uri.  Ang pinakamainam dito, naririnig at nalalaman nila ang gamit nito sa pakikipag-usap o totoong-buhay.   Naka-contextualize pa ang gamit ng wika.  Matitigil na ang mga pangungusap na gaya ng:  Siya ay maganda o Ako ay Pilipino. 

            Sa pagkukuwento ng mga aklat-pambata, lumalawak ang karanasan ng mga mag-aaral.  Biruin mo, nasa klasrum lamang sila pero nakararating sila kung saan-saan—sa malayong gubat, sa ibang planeta, sa tiyan ng isang ina, sa dugo, at kung saan-saan pa.  Naririnig nila ang pagsasalita ng iba’t ibang tao, hayop, at bagay—nanay, lolo, bata, doktor, pusa, dugo, kuto, istetoskop ni Rizal at iba pa.  Kapag may mayamang karanasan ang mga mag-aaral, tiyak na mas may kontent ang kanilang mga sagot sa klase.

             Sa pagkukuwento, may pagkakataong ang mag-aaral ang nagtatanong.  Magandang senyales na engage ang mag-aaral sa kuwento at nais niyang matuto.  Di dapat lagi ang guro ang tanong nang tanong.  Hayaan natin ang mga mag-aaral naman ang magtanong.

            Sa pagkukuwento, natutuhan ng mga bata ang mga pagpapahalaga sa buhay sa paraang siya mismo ang nakaaalam o nakatutuklas.    

            Kung nakikita ng mag-aaral na may kuwenta ang pakikinig sa mga kuwento ng kanyang guro.  Tiyak siya mismo, maghahanap ng aklat na babasahin o magpapabili ng aklat sa kanyang mga magulang.  Ang nakatutuwa pa sa mga batang mag-aaral, kahit paulit-ulit ang kuwento lalo nilang nagugustuhan at di nila pinagsasawaan.  Parang laging bago ang kuwento kahit ilang beses na nila itong napakinggan.

            Simulan mo na ang pagkukuwento sa iyong mga mag-aaral. 

Maniwala ka sa akin, may kuwenta o halaga ang mga kuwentong-pambata para makalikha tayo ng nasyong nagbabasa.


Blog EntryNov 10, '11 12:32 AM
for everyone

ni Genaro R. Gojo Cruz 

Sa unang gabi ng aking pag-iisa,

naisip kong i-defrost ang refrigerator.

Sa pagbukas ko ng pinto at pagpindot

ng kaisa-isang buton sa loob, agad

kong natanaw ang maraming alaala.

Nang buksan ko ang isa pang pinto

sa itaas, bumungad sa akin ang makapal

na yelo, sumidhi ang nasà kong matunaw

agad ang yelo sa freezer, hangad ko

noon pang makita at madama ang sarili

(tiyak na aabutin ako ng madaling-araw).

Nahiga muna ako sa kama.  Iniwang

bukas ang lahat ng aking pandama.

 

Sa pagkatunaw ng yelo, dama kong

kay tagal na rin akong naging manhid.

Isa-isa kong inilabas ang mga naging bato

na ring pagkain—sumagi sa aking gunita

ang ating mga abalang-umaga, ang lalim

ng gabing hangad natin ay mainit na sabaw.

Inilabas ko rin ang mga tirang ulam, tubig,

juice sa tetra pack, itlog, palaman, tumigas

na pizza na inorder mo noong isang gabi,

lahat-lahat na—marami pala tayong nakaligtaan

at di napag-usapan. Sa ibaba, nakita ko

ang mga gulay (bulok na ang iba). Naalala

kong balak mo pa lang magsinigang.

 

Nang mailabas ko ang lahat-lahat, nilinis

kong mabuti ang loob ng refrigerator,

isa-isang nalalaglag ang numinipis na yelo.

Kay gaan ng pakiramdam ko, ganito pala

ang maiwan nang walang inaasahang uuwi.

Hungkag ang aking buong pagkatao. 

Ngayon, taglay ko na ang kalayaang pumili

sa mga alaalang iniwan mo—bukod-tangi

ang mga sandaling habambuhay ang pag-ibig.

Isa-isa kong ibinalik ang lahat sa dati, itinapon

ko na ang mga bulok at magpapaalala pa sa iyo.  

Nang isara ko ang refrigerator, nakaligtaan

ko ang pag-apaw ng naipong tubig sa ilalim.

 

Itinapon ko sa lababo ang mabahong tubig—

naalala kong kailangan ko rin palang sairin

ang luhang naipon ng mga nakaraang-araw

sa unang gabing ito ng aking pag-iisa.

 

ni Genaro R. Gojo Cruz

 

Isang hapon ng Sabado, matapos akong makinig kasama ng aking tatlong klase ng Humanities sa De La Salle University-Manila sa lektura ng isang kilalang classical pianist, nakatanggap ako ng mensahe na nag-iimbita sa aking Facebook.  Ito ang mensahe:

 

hi sir, this is -------- from kristv abs cbn. staff po ako ni ms kris aquino. naghahanap po kasi kami ng sum 1 na may success story at nairefer po kayo ni davee sa akin. live guesting po ito on tuesday . sir if your willing and availabe pls reply po sa msg na ito or txt me po…

 

Sino ang tatanggi sa ganitong imbitasyon?  Nabulabog ang sandali ng aking pananahimik at pagnamnam sa ilang mga classical music na aking napakinggan at naintindihan noong hapon iyon.

 

Ibinigay ko ang aking cellphone number.  Sumunod na ang maraming tanong sa text at ilang tawag sa telepono na matiyaga ko namang sinagot.  Kay sarap ng pakiramdam na biglang may nagkaroon ng interes sa akin buhay, sa aking isang pangkaraniwang tao lang.  Tungkol daw sa tagumpay ang topic.  Sa isip ko, mukhang marami akong paghuhugutan ukol sa topic na ito dahil dumaan din ako sa maraming kabiguan.

 

Pero may pasubali ang unang kumontak sa akin, sa pamamagitan ng text sabi niya:  “Sir, standby ka po ah.  Nainform ko nap o yung writer.  At hnhnty n lng po namin yung approval ng nsa taas.  Inform po kita as soon na tuloy po tayo.  Salamat po.”

 

Kasunod nito ang ilang pang tanong at tawag sa telepono ng isang nagpakilalang writer ng programa.  At araw ng Linggo, natanggap ko na ang kompirmasyon sa unang kumontak sa akin:  “…Confirmed na po kau on Tuesday ah.  Oct11 8.15-8.30 po ang coltym. Elj bldg, abs-cbn.”  Natuwa ako sa aking kausap, mukhang organisado at tiyak.

 

Inihanda ko ang aking sarili.  Biglang nagkaroon ng mga pagbabago sa aking schedule bilang isang pangkaraniwang tao.  Kailangang handa ako sa Martes.

 

Kaya Lunes na gabi, inisip ko kung saan ako mag-aagahan.  Ipinagpaliban ko muna ang pagpunta sa gym.  Inihanda nang mas maaga ang mga gagamitin kong powerpoint sa aking klase para sa hapon ng Martes.  Nag-set din ako ng meeting sa isang artist na gagawa ng aking bagong libro sa mismong vicinity ng ABS-CBN.  Kinalkula ko na ang oras ng aking meeting pabalik ng Taft Avenue nang di ako mahuli sa aking klase.

 

Pero eksaktong alas-10 nang gabi, natanggap ko ito: “Hello sir genaro, Sorry to inform you po, di na po tuloy ang guesting niyo tommorow (spelling niya ito) sa kristv. (sad face) May bglaang changes po sa treatment ng script po.  Sorry talaga sir.”  Kasunod nito ang isa pang text na: “Super sori talaga sir. Nainform lang dn po ako ng writer namin (sad face uli).”  Naramdaman ko naman ang sinseridad ng paghingi ng paumanhin ng unang kumontak sa akin na nagsabing magkababayan kami.  Nagtext ako: “Ok no problem!”

 

Naisip ko, inisip ng writer ng programa ang treatment sa script pero ang treatment niya sa mismong taong naabala at may pandama, nabalewala at di niya nagawang isipin!

 

Sa karanasan kong ito, di ko maiwasang ikompara ang iba pang programang nag-feature ng aking kuwento.   Di ko naranasan ang ganito sa mga programang tulad ng Wish Ko Lang at Kapuso Mo Jessica Soho ng GMA 7.  Nahiya pa nga ako sa pagiging on time at kasipagan ng mga staff sa mga nabanggit na programa.  Nagpunta sila sa Binondo sa aking pagtuturo sa mga street children, sumama sa akin sa kalye habang nagtuturo, nagpunta sila sa DLSU-M at kinunan ako habang nagtuturo, nakarating pa sila mismo sa aking munting bahay sa Bulacan kahit kasagsagan ng bagyo.  Hatid-sundo rin ako. 

 

Alam ko ang kalakaran sa media.  Sa aking pagtuturo sa aking mga estudyanteng kumukuha ng mass media, lagi kong sinasabi, kung papalaot sila sa mundong ito, kailangang handa silang magpa-exploit.  Tiyak na patataihin sila ng istorya para sa programa.  Papaghahagilapin sila tiyak ng kuwento saan mang lupalop ng mundo.  Gagamitin ang kanilang creativity sa ngalan ng rating at iba pa.  Binabayaran sila para rito.  Kahit galing sila sa mamahaling pamantasan o mayamang pamilya, balewala ito sa mga taong matagal nang nakababad sa media.    Kabilin-bilinan kong alamin at isabuhay ang ethics sa pangangalap ng istorya buhat sa ibang tao at maging professional sa pakikipag-usap.   Huwag manggagamit ng mahihirap o mahihina sa ngalan lang ng programa at rating.  Ang kalakaran ng gamitan sa media ang dahilan kung bakit di ko pinasok ang mundong ito.  Ayokong magpagamit!

 

Noong kasagsagan ng Marina ng ABS-CBN, kinontak ako ng isang taga-publishing ng kompanya upang gawin at sulatin ang komiks bersiyon ng programa.  Ginawa ko ang concept at preliminaries.  Sa ilan ding meeting, di nababanggit ang aking fee.  Tinabangan ako at nawalan ng gana sa proyekto.  Nagkataon namang bumaba ang rating ng Marina dahil binanat nang binanat ang istorya para tumagal.  Buti na lang at di ko ginawa ang komiks.  Mahirap tumangging ako ang gumawa ng komiks kung nakalathala rin ang aking pangalan.  Napaka-effective pa namang medium ng komiks.   Ayokong gawan ng legacy ang isang palabas na di naging maganda ang wakas.     

 

Sa mismong programang Kris TV, kung susuriin ang mismong espasyong ginagalawan ng mga guest, makikita ang tunggalian ng uri at kapangyarihan.  Mapapansing ang mga kilalang personalidad ay nakaupo sa magandang sala kasama ni Kris.  Pero ang iba pang inpormants na di kilala o “walang pangalan” ay kasama ng audiences. 

 

Sa isang episode na aking napanood, kasama ni Kris sa sala sina Sweet, Candy Pangilinan, isang Attorney, at Gerard (nakalimutan ko ang surname niya).  Nasa audiences naman ang dalawang babaeng may anak na may kapansanan at isang expert from DepEd.

 

Sa diskurso ng pagtatanong, mahahalatang ginamit lang episode na ito para sa pagbebenta ng “Budoy” ni Gerard.  Itinago ang ganitong intensiyon sa pagsasabing de-kalidad at maganda ang values ng “Budoy.”   Higit na maraming ibinatong tanong sa mga kilalang personalidad.  At sa dalawang pangkaraniwang ina, halos tig-isang tanong lang.  Mapapansin din ang kakulangan ng kaalaman ni Kris sa dalawang ina.  Inakala niyang may single parent sa kaniyang tinatanong.  Nakahihiya ang ganitong insidente ng pagkakamali sa pambansang telebisyon dahil patunay ito ng kakulangan ng malasakit ng kilalang host na alamin ang kuwento ng karaniwang  tao na magagamit sana upang makapagtanong din siya ng matino at mahusay na tanong.  Pero na-master na ni Kris ang retorika ng pagtatanong o interbiyu, kayang-kaya niyang bumawi sa kaniyang pagkakamali sa paraang di halata at palabasing di niya kasalanan.  Naibato agad ni Kris ang sisi sa kaniyang staff sa pagsasabing iba ang research na kaniyang nabasa. 

 

Si Gerard ang malimit tanungin ni Kris kahit wala namang kontent o paulit-ulit lang ang sagot ng tinitiliang binata.  Hinuhugot lang ni Gerard ang kaniyang sagot bilang artistang gumanap na may kapansanan sa “Budoy.”  Nanghihinayang ako sa dalawang karaniwang ina na kasama sa audiences.  Maaari silang paghugutan ng totoo at mga “nakatuntong-sa-lupang” pahayag.

 

Tiyak kong kung natuloy ako sa Kris TV, kasama rin ako sa audiences, sa espasyo ng mga pangkaraniwan at “walang pangalan.”  Siguro kung isa akong kilala, mayaman o makapangyarihang tao, mangingimi kahit papaano ang kumontak na gawin sa akin ito.   Sino nga ba ako?  Pero sa mga Pilipino kasi, sa bansang binaliw ng tsismis at ka-showbizan, interesado talaga tayo sa kuwento ng mga artista at “may pangalan”, kaysa mga kuwento ng mga kababayan nating lubog sa baha sa Bulacan.

 

Sa totoong buhay, kung may mga taong pakiramdam ko ay umalipusta sa akin, madalas ay ginagawa ko silang mga tauhan sa aking kuwento.   Sila yung mga ginagawa kong kontrabida.  At dahil kontrabida sila, sila ang pinarurusahan ko sa bandang huli.  Kailangang maging madugo ang kanilang kamatayan.  Pero di ko ito magawa sa mga staff ng Kris TV dahil walang silang mukha at katawan sa aking imahinasyon—mga  text at tinig lang sila kaya mahirap silang gawing tauhan o lalong higit na maging tao.

 

Mahirap at di tamang mag-generalize.  Tiyak kong higit na maraming tao pa rin ang may magandang karanasan sa Kris TV.  Malas ko lang dahil pangit ang sa akin.  Siguro, mabibilang lang sa daliri ang may pangit na karanasan na tulad ko.

 

Sa aking paglalaro sa The Price is Right (programa uli ni Kris) ngayong taon sa ABS-CBN, tuwa ang aking naramdaman kahit  di ko naiuwi ang anumang sa mga premyo.  Natuwa ako dahil patas ang laban.  Alam ko kasing mahina ako sa hulaan ng presyo.  Ipinagngingitngit ko di ang di ko paglabas sa programa kundi ang naging pagtrato sa akin.  Sa bago kong karanasang ito, pakiramdam ko, di lamang ako natalo kundi nanakawan ako—ng  panahon, effort (may salin ba ito sa wikang Filipino), at ng dignidad bilang isang karaniwang tao.    Nabulabog ang aking tatlong araw!


Blog EntryOct 7, '11 2:12 AM
for everyone

           ni Genaro R. Gojo Cruz

 

ANG TAON NG aking kapanganakan ang taon din ng paghihiwalay ng aking mga magulang.   Mula noon, di na rin muli pang nag-asawa ang aking Nanay.

Kung may magtatanong sa akin kung anong taon ang aking kapanganakan, matinding lungkot ang aking nararamdaman.  Parang kasing sinasabi ko na rin ang taon kung kailan naghiwalay ang aking mga magulang.  Sinusukat ng aking naging buhay sa ibabaw ng mundo ang mga taon ng kanilang paghihiwalay. 

            Sabi ng aking Ate, naikuwento raw ni Nanay na di ang Tatay ko ang talagang gustong makatuluyan ng aking Nanay kundi ang isang pulis na kaniyang manliligaw noon.   Natawa lang ako sa kuwentong ito.  Di pala ang Tatay ko ang tunay na gusto ng aking Nanay pero siyam kaming kanilang naging anak. 

            Alam kong marami pang naging babae ang aking Tatay pagkatapos ng aking Nanay.  Matinik sa mga babae ang Tatay ko.  At ang Nanay ko, alam kong dumaan sa buhay niya ang isang matandang lalaking nagngangalang, Inso.

            Noong matira kami ni Nanay sa likod ng Sambahan ng Iglesia ni Cristo sa San Joaquin, kasama ang isa kong kapatid na babaeng may asawa si Ate Charito, nakilala ni Nanay si Ka Inso.

            Sa umaga o hapon, malimit maglibot si Ka Inso sa lupaing kaniyang binabantayan na katabi lang ng aming tinitirhang bahay.  Ang lupa ay natatamnan ng mga puno ng lansones, rambutan, langka, abokado, santol, niyog, at iba pa. 

Sa bandang bungad ng lupa, malapit sa kalsada, makikita ang isang luma at malaking bahay na laging nakasara.  Nasa ibang bansa raw ang tunay na may-ari ng bahay at lupa.  Si Ka Inso ang nagbabantay o katiwala.

            Noon, dadaigin namin ang mga may malawak na taniman ng bungang-kahoy sa San Joaquin.  Sa itaas ng aming bahay, tiklis-tiklis ang mga lansones, rambutan, at santol na nilalantakan ko dahil sa sobrang katamisan. 

Napakadaling naiaabot ni Ka Inso sa aking Nanay ng anumang ani sa lupang kaniyang binabantayan.  Madaling naitatawid ni Ka Inso sa bakod ang anumang kaniyang pinapitas nang walang ibang taong nakakikita.

Ngunit nang lumipat na sa Maynila si Ate Charito, kailangan na naming lumipat ni Nanay.  Giniba na ang bahay namin sa likod ng Iglesia. 

Si Nanay, umuwi na ng Bulacan at ako naman ay naiwan pa sa San Joaquin para tapusin ang aking pag-aaral sa Grade 3.  Tumira uli ako sa aking Ate Perla sa San Joaquin. 

Di naputol ang ugnayan ng aking Nanay at ni Ka Inso.  Noon, pumupunta pa rin si Nanay sa lumang bahay na laging nakasara na binabantayan ni Ka Inso.

Nang umuwi at tumira na ako sa Bulacan, may ilang lingo o buwan ding nawawala si Nanay.  Alam kong nagpupunta siya sa lumang bahay sa San Joaquin upang makasama si Ka Inso. 

Isang Agosto, pista sa San Joaquin, nagpunta kaming magkakapatid sa bahay ng aking Ate Perla upang mamiyesta.  Naisip kong puntahan si Nanay sa Ilaya sa laging nakasara at lumang bahay.  Nagpasama ako sa dati kong kalaro sa San Joaquin.  Sa likod ng lumang bahay ako pumunta.  Kumatok ako at tinawag ang aking Nanay.  Pero walang sumasagot.  Nang umuwi na ang Nanay ko sa Bulacan, sinabi niyang nasa loob lang siya.  Napakaingay ko raw kasing tumawag at nagsama pa ako ng iba kaya raw di niya ako pinagbuksan.  Tumagal pa nang ilang taon ang ugnayan ni Nanay at Ka Inso.

Isang araw, dumating ang aking Ate Perla sa Bulacan at ibinalita niya sa aking Nanay ang pagkamatay ni Ka Inso.  Ibinigay ni Ate Perla ang dalawang-daang piso sa Nanay.  Ipinabibigay raw ni Ka Inso.  Pamasahe raw.  Kabilin-bilinan raw ng matanda na papuntahin sa San Joaquin ang Nanay ko.   Kamamatay lang raw noon ng asawa ni Ka Inso na matagal nang nakaratay sa matinding sakit.  Sabi ni aking Ate Perla, mukhang lungkot na lungkot daw si Ka Inso.  Napatagal kasi ang di pag-uwi ni Ate Perla sa Bulacan. 

Sabi ni Nanay, mas iniyakan niya ang pagkamatay ni Ka Inso kaysa aking Tatay. 

Nakapalaki ng aking panghihinayang sa pangyayaring iyon.  Sana, nagkita man lang si Nanay at si Ka Inso bago pumanaw.  Dama ko ang pangungulila ni Ka Inso.  Alam kong minahal niya ang aking Nanay.

Naikuwento rin ni Ate Perla ang kabaitan ni Ka Inso.  Kung may nais itong ipasabi sa aking Nanay, sa kapitbahay ito nagtutuloy.  Ipabibigay ang anumang bungang-kahoy at ang hiling na papuntahin ang Nanay ko sa San Joaquin.  Sa pagpanaw ni Ka Inso, talagang nalungkot ako para sa aking Nanay.

May magandang alaala rin ako kay Ka Inso.  Binigyan niya ako ng isang bag noong Grade 3 ako.   Ito yung bag na ipinamimigay ng mga bangko.  Nilagyan pa nga ng kyutiks ni Nanay ang pangalan ng bangko upang matakpan.  Kaklase ko kasi ang isang apong babae ni Ka Inso.  Baka mahalatang sa kanila galing ang aking bag.

Noong 1st Year High School, ipalilista lang ni Nanay ang aking mga kailangang aklat at pag-uwi niya galing sa San Joaquin, dala na niya ang aking mga aklat na ang anak mismo ni Ka Inso ang bumili.  Magaan ang loob ko kay Ka Inso.  Marami siyang magandang nagawa sa aking Nanay at maging sa akin na maging ang mismong Tatay ko ay di nagawa sa amin.

Isa lang talaga ang labis kong ikinalulungkot at pinanghihinayangan ngayon, kung bakit di sila nagkita ng aking Nanay bago siya pumanaw.

Damang-dama ko ang lungkot ng isang matandang naghihintay sa kaniyang mahal na di na dumating kahit sa huling sandali ng kaniyang buhay.


Blog EntrySep 21, '11 10:09 PM
for everyone

MADALAS AKONG TAKASAN ng aking dalawang Ate noong bata ako.  Malaking sagabal kasi ako sa aking Ate Rowena at Ate Sally (kambal kong kapatid na babae) sa kanilang paglalakwatsa o paggagala.  Madalas pinatutulog muna nila ako upang makatakas sila.

            Isang gabi, tinakasan na naman nila ako pero ang di nila alam ay nagkukunwari lang akong tulog.  Sinundan ko sila.   Sa aking pagsunod, di ko namamalayang malayo na rin pala ang aking narating.   

Di pa ako nag-aaral noon kaya sa tantiya kong nasa apat hanggang limang taon ako noon. 

            Nakarating ako hanggang bisita sa Muzon.  Naakit ako sa kakaibang kulay at liwanag ng bisita.  Maraming arko na sinabitan ng iba’t ibang kulay ng bulaklak na gawa sa papel na may hawakan sa magkabila at dala ng dalawang tao.   Sa gitna ng arko ay makikita ang mga batang babae at lalaki na makinang at kay gaganda ng bihis.   Kay liwanag ng paligid.  Nakakalula ang dami ng tao.

            Nang magsimulang maglakad ang prusisyon.  Nakisabay ako.   Sa paglalakad, hinahanap ko ang dalawa kong tumakas na Ate.  Di ko sila makita.  Pinagtataguan na naman nila ako, naisip ko.  Mahaba-haba na rin ang aking nalalakad pero di ko alam kung ano ang sinamahan ko. 

            Pagdating sa Pastol, malapit sa aming lumang bahay, naisip kong uuwi na ako.  Pero bago pa man tuluyang tumapat sa aming bahay ang prusisyon, may nagsindi ng isang kuwitis.  Sa halip na pumuntang langit ang kuwitis sa tabi ko ito pumunta.  Mabilis na mabilis.  Parang nagbaga ang aking paligid.  Nag-init ang aking mukha.  Sa isang iglap sa pisngi ko pumutok ang kuwitis.  Umalingawngaw sa buong Pastol ang aking pagpalahaw!  Ako na bigla ang tiningnan ng lahat ng tao. 

            Kasama rin pala sa prusisyong iyon ang isa ko kapatid na lalaki.  Agad niya akong nakilala at inuuwi ng aming bahay. 

            Kinabukasan, nagising akong katabi ang isang biyak ng cortal at isang de-boteng Royal Tru Orange.  Masarap pala ang maputukan.  Bihirang-bihira akong makainom noon ng de-bote.

            Pero ang kinatatakutan ko ay ang Tatay ko.  Maaaring bugbugin niya ang aking dalawang Ateng mahilig tumakas.  Alam na alam ko kung paanong magalit si Tatay.  Wala siyang pakialam saan mang bahagi ng mukha o katawan tumama ang kaniyang matitigas na kamao.   Tatalunin niya si Fernando Poe Jr. sa pagsuntok.  Nakita ko kung paano niya pinagsusuntok ang isa kong kapatid na lalaki.  Pero si Ate Rowena lang ang napagbuhatan niya ng kamay.  Si Ate Sally nakatakas uli.

            Hanggang ngayon, kaba at takot ang aking nararamdaman kapag may mga kuwitis na sinisindihan kung may kasal, binyag, pista, o Bagong-taon.  Pakiramdam ko, parang sa tabi ko papunta at nakatakdang pumutok ang mga ito.   Mabilis na bumabalik sa akin ang mainit at mahapding pakiramdam.   Naaamoy ko ang pulbura.

            Mahalaga sa akin ang karanasan kong ito dahil noon ko nakitang mahalaga rin pala ako sa Tatay ko.  O sige na, kahit naaalangan akong sabihin hanggang ngayon, mahal rin pala ako ng Tatay ko.   Naaalangan akong sabihin dahil di ako sanay o sinanay magparamdam ng nararamdaman.  Maging si Tatay, di kailanman nagsabi na mahal niya kaming magkakapatid.  Eksakto lang kung magsalita ang aking Tatay.  Kung may iuutos o ipagagawa siya, iyon lang talaga ang sasabihin niya.      

            Ngayon ko naisip, bakit kailangan ko pang maputukan ng kuwitis at masaktan ang aking kapatid para lang malaman at madama kong mahal rin pala ako ng Tatay ko?   

Bakit kailangan ko munang maramdaman ang hapdi ng kuwitis para makainom ng cortal at makatikim ng masarap na Royal Tru Orange?

 

 

Blog EntrySep 16, '11 8:22 AM
for everyone
 

PAGOD NA AKONG sumagot sa tanong na kung bakit di pa ako nag-aasawa. Noong una, lalo noong tumuntong ako sa edad 3o, siniseryoso ko pa ang pagsagot. Malimit kong isagot—abala kasi ako sa pagtuturo at pag-aaral, abala ako sa pagsusulat, wala pa kasi akong pundar, kulang pa ang aking kinikita para makabuhay ng isang pamilya, mahirap kasi ang buhay ngayon, mahal ang mga bilihin at gasolina, gusto ko pang i-enjoy ang pag-iisa. Pero nang lumampas ako ng edad 30, mas dumarami pa ang nagtatanong kaya sinasadya ko na lang na di sagutin.

Sa totoo lang, naiinggit din ako sa mga kaibigan o kaklase kong ikinasal. Kayang-kayang nilang ipangako sa kanilang napangasawa ang kanilang habambuhay. Sa kanilang pangakong mag-iibigan at magsasama sila nang habambuhay, nakikita ko ang isang ideyal na pagsasama at perpektong pamilya. May inggit akong nararamdaman dahil ang habambuhay ang di ko kayang sambitin at maipangako.

Marahil ang habambuhay rin ang maibibigay na dahilan kung bakit may mga mag-asawang naghihiwalay. Mahirap pangatawanan ang habambuhay halimbawa sa tulad kong madaling magsawa at ayaw ng iba pang obligasyon bukod sa sarili.

Sa aming pamilya, sa linya ng Tatay ko, marami ang hiwalay at nagkaroon ng dalawa o higit pang asawa. Ang Tatay ng Tatay ko ay may-anak sa iba. Ang Tatay ko ay nagkaroon din ng ibang asawa at anak sa iba. Ang kaniyang mga kapatid ay ganoon din. Si Kuya Abling na sumusunod kay Tatay ay maraming naging asawa at hanggang ngayon ay di pa rin tumitigil sa pag-aasawa kahit may edad na. Si Ate Nene na kanilang bunsong kapatid na babae ay may una at pangawalang asawa. Tiyak ko, kung buhay pa ang Tatay ko, tiyak na makararami rin siya ng asawa. Tiyak kong di siya padadaig sa kaniyang mga kapatid. May mga pinsan din akong nakadalawang asawa na. At ang isa kong kapatid na babae, nakadalawang asawa na rin.

Tiyak na magiging masalimuot ang aking family tree kung iguguhit ko. Sa uri ng pamilyang mayroon ako ngayon, masasabi kong totoo ang kasabihang sa wikang Ingles na the more, the merrier! Mas naging makulay at masaya ang aming pamilya. Marami akong pininsang nasa labas ng matrimonya ng kasal. Di na mahalaga sa akin kung sino ang anak sa una o pangalawang asawa, ang legal o ilegal na pamilya.

May mga pangyayari sa buhay na mahirap husgahan. Sa tingin ko, ang higit na mahalaga ay ang masunod ng isang tao ang kaniyang gusto. Minsan lang tayo, dadaan sa mundong ito. Paano kung ang minsang pagdaan mo sa mundo ay di ka pa naging masaya? Ayoko yata noon!

Kaya kahit papaano, natanggap ko nang maluwag ang pagkakaroon ko ng broken family. Ang mahalaga sa akin ay kung ano ang gusto ng aking mga magulang kahit pa ang kapalit nito ay kinabukasan naming magkakapatid. Nasunod ng aking mga magulang ang kanilang mga gusto at di nagpatali sa kanilang ipinangakong habambuhay na pagsasama. Sa uri ng pamilyang kinamulatan ko, higit akong naging maingat sa aking mga desisyon sa buhay ngayon.

Sa tingin ko, isa sa pinakamagandang nagawa ng Tatay ko sa aming magkakapatid ay ang pagkakaroon niya ng ibang asawa at anak—si Tiya Naty na nagsisilbi namin ina sa ngayon at si Riza na aming kapatid sa America na nagsisilbing katuparan ng aming mga pangarap na magkakapatid.

Hinding-hindi ko bibigkasin at ipangangako ang habambuhay kung di ko mapangangatawanan o makakayahang matupad.

Kapag may nagtanong uli sa akin kung bakit di pa ako nag-aasawa, may naisip na akong isasagot—di ko pa kasi kayang ipangako ang habambuhay!


NoteGuestbook
   
ljlong wrote on Jan 16
Photobucket

*pls visit and add http://aifashion101.multiply.com/ :)
linguistikanormal wrote on Sep 19, '11
daniel po ito ng PNU @-13 B.S.E Filipino kung natatandaan niyo pa ho..
linguistikanormal wrote on Sep 19, '11
sir, pahingi namn po ako ng kopya ng ginawa ninyong sanaysay tungkol kay ninoy aquino.. hindi ko po kasi mahanap dito sa multiply.. salamat po.. aasahan ko po ang inyong agarang pagtugon..
genarorgojocruz wrote on Feb 27, '11
Walang problema! Puwede mong gamitin!
strokeofcreativity wrote on Feb 27, '11
Good Afternoon Sir pahiram po ng "Ang Jeep sa Pagtakbo ng Panahon"
pinapasaliksik lang po ng aming guro na si Sir Randy Din.
Maraming Salamat po
angkulaylila wrote on Dec 15, '10
sir!! maligayang kaarawan po ! salamat din po dahil inaccept niyo na ako sa multiply!
usonchristopher wrote on Jul 15, '10
kakabasa ko lang po basahin ang inyong akda na "talbos" at sobrang na-inspire po ako dito at hanga po ako sa kagalingan nyo bilang manunulat at bilang taong lumaban sa kahirapan ng buhay, kung meron po kaung facebook, paki add namn po ako.. christopher_assassin@yahoo.com at ako nga po pala si christopher uson..thank you po.. :)
usonchristopher wrote on Jul 15, '10
Grabe, na-inspire po ako sa isinulat niyo na may pamagat na "talbos".. Ang galing.. :)) add niyo nman po ako sa facebook, kung meron po kau,. tinry ko po kc isearch pero wala po..tnx.. christopher_assassin@yahoo.com po e-mail add. ko, at christopher uson po name ko..thank you po..
randyseazone1 wrote on Apr 30, '10
ako ay graduate din ng Pamansatang Normal Ng Pilipinas, halos ka-edad mo na rin. naranasan ko rin ang iba saiyong mga karanasan. ang pakay ko sana ay makakuha ng impormasyon sa dating manunulat ng The Torch at Ang Sulo na si Tino Dulay. Isa sya sa mga galing na manunulat ng PNU katulad mo, Joey delos Reyes at iba pa. maaring i-email mo na lang kung meron kang contact or information sa dati kung klasmeyt (randyseazone1@yahoo.com).Salamat kapatid- Frt. Randy Sison, SVD
agnesalmario wrote on Jan 29, '10
nakaka-antig naman po yung sinabi nyo...hehe :)) ayun sir, ngkikita pa din kami, halos araw-araw! haha..sir alam nyo po ba na meron kaming quiz tungkol dun sa TALBOS... :)) natuwa nga po ako kase nbsa ko na yun dati eh... tapos nagulat yung prof namin saka yung mga kaklase ko kasi nalaman nila na naging guro ko kayo TALAGA... hehe! di sila makapaniwala na kilala namin kayo ni Rachel...ano na nga po pala ang itinuturo ninyo?
xheyah wrote on Jan 27, '10
sir kamusta po kayo?
genarorgojocruz wrote on Jan 18, '10
Makakalimutan ko ba naman ang LOYALTY ang aking advisory class. Nagtuturo pa rin ako at nagsusulat. Kamusta sa iyong mga kaklase sa PNU-CTL!
agnesalmario wrote on Jan 15, '10
sir gojo...kamusta na po kayo? naaalala nyo pa po ba ako? Almost 2 years ko na po kayong hndi nkikita... anu na pong balita sa inyo? yun lng po...nangangamusta lang po ako! ingat po kayo... :))

- agnes margarette a almario (former 9 - LOYALTY...hehe!)
xarniecuyax wrote on Jan 12, '10
Magandang araw po!

Maraming salamat sa pagiging inspirasyon sa bawat isang nais maging makata. Nagsasanay pa lang po ako sa pagsusulat, bilang bahagi ng aming kurso. Isa pa, nais ko rin po kasing maibahagi ang mga naiisip ko.

Siya nga po pala, kahapo'y nag-iikot ako sa bookstore at natuwa nang makita ko ang ilan ninyong aklat-pambata. Tatlo lamang ang nabili ko dahil wala ng ibang stock. Hinahanap ko ang "Dyip ni Mang Tomas" ngunit hindi ko ito makita. Sayang naman.

:D
gzelpadilla wrote on Dec 8, '09
sir!! nami-miss ka na ng I-20. ingat po. advance happy birthday. we wish you all the best. take a lot of care sir. ((:
genarorgojocruz wrote on Dec 3, '09
salamat nang walang hanggan!
zzzkrystzzz wrote on Dec 1, '09
sir may kanta kami sa inyo... BIGLAAN yung title. .hehe nagulat po kami talaga, pero ganon pa man ipapasa pa rin namin yung flash fiction namin..ilalagay po lahat namin sa isang site, basahin mo po ah! hehehe!..
salamat po sa mga araw na puno ng aral! sa maikling panahon ay napasok mo ang aming mga buhay sir! God bless po!
-Krystine
III-32 BSP
christineeh wrote on Dec 1, '09, edited on Dec 1, '09
sir, hello poh..ako po ay nagmula sa III - 4 BEEd ng PNU...nag-full time faculty na daw poh kayo sa DLSU..=(.. nanghhihinayang poh ako kasi inaabangan ko ang pagdadala niyo ng katotohanan sa aming klase..=).. pero salamat po sa lahat ng ibinahagi niyong kaalaman sa amin..
megamond wrote on Sep 23, '09
Sir Congratz! two times na, baka may next pa parang grand slam. More power sir.